Mga turista na magmumula sa NCR at iba pa na magbabakasyon sa Boracay kailangan pa ring magpresinta ng negative RT-PCR test result

Nilinaw ni Dr. Cornelio Cuachon, ang Provincial Health Officer I ng Aklan Provincial Health Office na hindi applicable para sa lahat ng gustong magbakasyon sa Boracay ang pagpepresinta lamang ng vaccination card bilang patunay na sila ay fully vaccinated.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Cuachon na tanging ang mga taga-Panay, Aklan, Capiz, Antique, Iloilo at Guimaras lamang ang papayagang makapasok sa isla ng Boracay na wala nang negative RT-PCR test result.

Paglilinaw nito na ang mga turista na magmumula sa Metro Manila at iba pang mga lugar na hindi nabanggit ay kinakailangan pa ring magpresinta ng negative RT-PCR test result bago tuluyang payagang makapagbakasyon sa Boracay.


Maliban dito, kinakailangan ding magpresinta ng sertipikasyon mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) o yung vaxxcert.ph, mag fill up ng online health declaration form at ang kanilang hotel accommodation.

Kasunod nito, tiniyak ni Dr. Cuachon na mahigpit na nasusunod ang health protocols sa Boracay upang hindi na muling sumirit ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Sa ngayon, nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Boracay hanggang sa katapusan ng Oktubre.

Facebook Comments