MIAA, nanawagan sa mga OFW’s na ireport sa kanila ang mga abusadong driver

Nanawagan ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga papauwing Overseas Filipino Workers (OFWs) at ilang mga lokal at international tourist na agad ireport sa kanila ang mga abusado at nangongontratang Public Utility Vehicles o PUV na pumipila sa mga paliparan.

Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, ito’y para mapanagot ang mga naturang driver na naniningil ng sobra-sobra sa mga OFWs at turista na uuwi o magbabakasyon ngayon sa Pilipinas.

Nabatid na nagiging aktibo ang ganitong kalakaran ng mga PUV drivers tuwing sasapit ang holiday season kung saan ang ilan sa mga ito ay kinokontrata ang mga pasahero para mabilis na makarating sa kanilang pupuntahan kapalit ng dagdag bayad.


Pinaalalahanan din ni Monreal ang mga OFWs at turista na huwag ng sumakay o tangkilikin pa ang mga colorum na taxi dahil walang kasiguraduhan sakaling madisgrasiya sa daan.

Para maging ligtas at tama ang bayad sa pasahe, marapat aniya na sumakay na lamang sa airport-accredited taxis at ang tinatawag nilang mga coupon taxis.

Samantala, inanunsiyo ng MIAA na kanselado ngayong araw ang ilang flight ng Cebu Pacific na Manila to Cauayan at Cauayan to Manila dahil sa posibleng sama ng panahon na dulot ng Low Pressure Area.

Facebook Comments