Nangako si Michael Jordan na magbibigay ng $1 million para makatulong sa muling pagbangon ng bansang Bahamas na sinalanta ng Hurricane Dorian ngayong buwan.
Ayon sa NBA legend, nadurog ang kaniyang puso sa matinding pinsalang inabot ng naturang bansa.
Madalas pumunta sa Bahamas si Jordan kung saan nagmamay-ari siya ng isang malawak na property doon.
“My heart goes out to everyone who is suffering and to those who have lost loved ones,” pahayag ng team owner ng Charlotte Hornets.
Pagtitiyak ng NBA Hall of Famer, tutukan niya ang sitwasyon roon hanggang matapos ang recovery at relief operations.
Ang donasyon ay kaniyang ibibigay sa mga non-government organization.
“The Bahamian people are strong and resilient, and I hope that my donation will be of help as they work to recover from this catastrophic storm,” sambit ni Jordan.
Limampung katao ang nasawi at mahigit 2,000 pa ang nawawala hanggang ngayon sanhi ng hagupit ng Hurricane Dorian.
Magugunitang nag-donate din si Jordan ng $2-million noong nakaraang taon sa mga biktima ng Hurricane Florence na tumama sa North Carolina.