MIF Bill, hindi basta-bastang palulusutin ng Senado

Marami pang pagdaraanan ang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill sa Senado bago ito makalusot sa mga senador.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, marami pang kailangang linawin sa sovereign wealth fund matapos ang naging unang pagdinig ng Senado noong Miyerkules.

Kabilang sa mga ipinunto ni Villanueva ang pangangailangan na maprotektahan ang mga taxpayer na maituturing na ultimate risk takers na siyang tatamaan sa panukalang ito.


Nangangamba ang senador sa pagkalugi ng sovereign wealth funds ng Norway at Singapore dahil sa hindi magandang desisyon sa pamumuhunan at para hindi matulad sa mga nasabing bansa ay dapat maging mas mabusisi aniya ang pagtalakay at pagbuo ng MIF.

Isa pang nais na pag-aralang mabuti ng mambabatas ang pagtatalaga sa Landbank at Development Bank of the Philippines (DBP) bilang permanenteng miyembro ng Board of Directors.

Binigyang diin ni Villanueva na hindi maaaring mapabilang sa permanenteng miyembro ng board ang dalawang bangkong ito kung maaari naman pala silang mag pullout o mag-alis ng investment matapos ang limang taon.

Facebook Comments