Kumpyansa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na may batayan o may validated information ang Anti-Terrorism Council (ATC) para ikonsiderang terorista ang 10 miyembro ng local terrorist group at 19 na miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Ayon kay AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana, suportado ng AFP ang resolusyon ng ATC na nagtatalaga sa 29 na indibidwal na mga terorista.
Sinabi ni Sobejana na sa pamamagitan ng resolusyon ng ATC, mapo-protektahan ang mamamayan laban sa mga terrorist act dahil itutuon na ng law enforcement agencies ang kanilang atensyon sa galaw ng mga ikinonsiderang terorista sa bansa.
Umaasa si Sobejana na magpapatuloy ang gobyerno na tapusin ang terorismo sa bansa nang nakabatay sa rule of law para mapanatili ang kapayaan at progresibong bansa para sa mga Pilipino.
Samantala sa panig ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni PNP Chief General Guillermo Eleazar na susunod lamang sila sa pinagbatayang ebidensya ng ATC para sa pagsasagawa ng operasyon laban sa mga ikinonsiderang terorista sa bansa.
Isa sa itinalagang terorista ng ATC ay si CPP founder Jose Maria Sison at asawa nitong si Julieta Sison.