Cauayan City, Isabela-Ipinasakamay ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Office No. 02 sa 18 accredited Farmer’s Cooperative and Associations (FCAs) ang mga agricultural machineries, equipment at facilities gayundin ang irrigation network services sa Isabela.
Pinondohan ito sa ilalim ng Rice and Corn/Cassava Programs and High Value Crops Development Programs of DA-RO2, Ang Rice and Corn Program ay isa sa mga banner program ng DA na nakatuon sa pagiging produktibo at kasapatan ng sektor ng bigas at mais sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangmatagalan at napapanatiling interbensyon tulad ng mekanisasyon sa bukid at mga serbisyong pagpapaunlad pagkatapos ng ani, mga serbisyong suporta sa irigasyon, pagpapalawak, edukasyon at mga serbisyo sa suporta sa pagsasanay, serbisyong pagsasaliksik at pag-unlad at mga serbisyo sa suporta sa produksyon.
Aabot sa humigit kumulang P10 milyon na halaga ng kagamitan ang naipamahagi ng ahensya sa mga kooperatiba para sa kanilang rice program habang aabot naman sa humigit kumulang P500,000 sa corn program ang halaga ng kagamitang naipamahagi ng ahensya.
Samantala, ipinamahagi naman sa Dibubunan Irrigators Association ng Dinapigue at Agriculture Cooperative ng Quezon, Isabela ang spring development irrigation projects.
Ipinaalala naman ni DA Regional Director Narciso A. Edillo sa mga recipients na gamitin ng tama ang makinarya at pakaingatan.
Maliban dito, namigay rin ang ahensya ng iba’t ibang equipment upang suportahan ang Bantay sa Barangay (BABay ASF) na gagamitin sa pagkontrol sa African Swine Fever at bilang suporta sa kwalipikadong recipients ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE).