Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City- Dalawang mangingisda ang nakadiskubre sa isang konteyner ng cocaine na umanoy nagpalutang-lutang sa gitna ng dalampasigan sa Barangay Dipudo, Divilacan, Isabela kamakailan.
Agad umanong ipinagbigay alam ng dalawang mangingisda sa PNP Divilacan ang kahinahinalang konteyner na nakumpirmang naglalaman ng cocaine.
Sa pagsusuri ng PDEA, lumalabas na ang naturang cocaine ay may bigat na 18,842 gramo at nagkakahalaga ng mahigit 79 milyong piso.
Batay sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan News Team sa ginanap na press conference kahapon Pebrero 06, 2018, sinabi ni PRO2 Regional Director PCSUPT Jose Mario Espino na ang naturang droga ay posibleng kasama ng narekober na cocaine na nagkakahalaga ng 120 milyong piso sa Barangay Calintaan, Matnog Sorsogon noong Enero 5, 2018 dahil sa pagkakaparehong deskripsyon at marka nito.
Naniniwala ang naturang Regional Director na ang naturang kontrabando ay naanod lamang at ito umano ang unang pagkakataong may natagpuang cocaine sa lalawigan ng Isabela.
Kaugnay nito ay inatasan na ni PSSUPT John Cornelius Jambora, OIC ng Isabela Police Provincial Office ang lahat ng hepe ng costal towns na paigtingin ang pagbabantay at pagmomonitor sa mga dalampasigan.