Pakikinabangan ng milyun-milyong mga manggagawa ang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) Act sa oras na maging ganap na batas.
Inaasahan na maaaprubahan na sa ikatlong pagbasa ang House Bill 6815 bago ang sine die adjournment sa June 3.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, ang P1.3 Trillion na economic stimulus package na ito ay makakaagapay sa 16 na milyong manggagawa gayundin ay makakalikha ng tatlong milyong short-term jobs at iba pang programa na layong maibsan ang epekto ng COVID-19.
Sa ilalim ng panukala, P688 billion na pondo ngayong taon ang inilaan para sa tuluy-tuloy na operasyon ng mga maliliit na negosyo at pagpapanatili ng mga trabaho.
Sinabi naman ni House Ways and Means Chairman Joey Salceda, may-akda ng ARISE, huhugutin ang pondo sa economic stimulus package sa Department of Finance, Bureau of Treasury at government financial institutions.
Pinapalawig din ng ARISE Act ang validity ng pondo sa 2019 at 2020 na maaaring gamitin para sa 2021.
Binibigyan din aniya ng awtorisasyon ang Pangulo na mag-realign ng pondo sa loob ng anim na buwan para sa mga items na hindi na magagamit dahil sa COVID-19 tulad ng travel at forced savings.
Pinapalawig din ng panukala ang kapangyarihan ng Bayanihan to Heal as One Act partikular sa probisyon ng testing, wage subsidies, Tulong Panghanabuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE), loan payment extension, ayuda sa ilalim ng Departments of Trade and Industry (DTI) at Agriculture (DA), pagluwag sa credit rules o pautang, health protocols para maiwasan ang virus transmission, reallocation at realignment ng pondo.