Inirekomenda ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano sa mga nag-aakusa na kasuhan na lamang ang mga kongresista na sangkot sa korapsyon.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na natanggap na niya ang listahan ng pangalan ng mga kongresistang sangkot sa korapsyon subalit wala naman siyang kapangyarihan para imbestigahan ang mga ito.
Naniniwala ang kongresista na mainam na kasuhan na lamang ang mga kongresistang idinadawit sa katiwalian upang hindi na makaladkad ang buong institusyon.
Ayon kay Paduano, handa rin sila sa Kamara sakaling maglunsad ng motu propio investigation ang Ethics Committee ng Kapulungan hinggil sa umano’y mga korap na kongresista.
Iginiit naman ni Iloilo Rep. Sharon Garin na sayang lamang ang oras at resources ng Kamara sakaling imbestigahan pa ang usapin na ito lalo pa kung marami aniya ang dawit sa listahan na hawak na ngayon ng Pangulo.
Ang pagkakadawit ng ilang opisyal sa issue ng korapsyon ay marahil resulta aniya nang pagiging maluwag ng pamahalaan sa costing ng mga proyekto.
Nauna nang tumanggi si Pangulong Duterte na sumawsaw sa issue dahil sa hiwalay na sangay ng gobyerno ang kinabibilangan ng mga kongresista.