Naniniwala si House Minority Leader Danilo Suarez na sinuman ang hirangin na susunod na House Speaker kina Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco ay makakatrabaho ng maayos ng ehekutibo.
Pero kung isang political analyst ang tatanungin, ilan sa mga lumulutang na pangalan sa pagka-Speaker ay malayo na maging magaling na lider tulad ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Tahasang sinabi ni UP Professor at political analyst Ranjit Rye na hindi magiging magaling na lider ng Kamara kung si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang iuupo na lider ng Kamara dahil kulang ito sa mga kwalipikasyon ng isang magaling na lider.
Kung si Leyte. Rep Martin Romualdez naman ang maihalal na House Speaker, mayroon naman itong “highly controversial background” dahil sa pagiging malapit na kamag-anak ng mga Marcos.
Mas pabor naman ito kay Taguig Rep. Allan Peter Cayetano na aniya’y respetado sa lahat ng sektor sa loob at labas ng bansa na mahalaga sa isang lider.
Una ng iniuugnay si Velasco sa sinasabing suhulan para sa Speakership na hanggang P1 milyon sa bawat mambabatas kapalit ng boto.
Bukod dito, hindi rin talaga supporter si Velasco ni Pangulong Duterte dahil iba ang ikinampanya nito noong 2016 presidential election na si Sen. Grace Poe at nagnumber 1 din ang senadora sa 2019 midterm election.