Manila, Philippines – Hihilingin ng Senate Minority Bloc sa korte na payagang makaboto si Senadora Leila De Lima sakaling pagbotohan na sa plenaryo ang panukalang death penalty.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon – isa si De Lima sa 13 senador na inaasahang tututol sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Aniya, nasa ilalim ng physical custody ng korte si De Lima kaya ang korte rin ang maaaring mag-otorisa rito na makadalo sa senate sessions.
Dagdag pa ni Drilon, gaya ni dating Senador Jinggoy Estrada na pinayagang makapunta sa 80th birthday ng ama nitong si Mayor Joseph Estrada, dapat ding ituring na “justifiable” o makatarungan ang hiling nilang payagan si De Lima para magampanan ang kanyang tungkulin bilang senador.
Suportado naman ni senador Kiko Pangilinan ang hirit ng minority bloc na padaluhin si De Lima sa botohan.