Pinagpapaliwanag ng husto ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano ang Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa naging anunsyo nito sa Emergency Use Authorization (EUA) ng Sinovac.
Sa naunang pahayag ni FDA Director General Eric Domingo, may EUA na ang Sinovac subalit hindi naman ito inirerekomenda para sa lahat ng health workers lalo iyong may mga “high-risk exposure” sa COVID-19, at mga nakatatanda dahil sa “varying levels” ng efficacy.
Dahil dito, pinalilinaw ni Paduano sa FDA kung bakit binigyan ng EUA ang Sinovac gayong hindi pala ito mairerekomenda sa lahat ng health workers at mga senior citizens.
Mistula tuloy “half-baked” o hilaw ang EUA na ibinigay sa Sinovac kaya makabubuting magbigay-linaw rito ang FDA.
Hindi rin aniya makakatulong ang pahayag ng FDA sa mass vaccination program ng pamahalaan dahil ang magkasalungat na pahayag na ito ay nagdudulot lamang lalo ng pagdududa sa efficacy ng bakuna.
Bukod dito, napasama rin ang imahe ng Sinovac na nakaapekto sa tiwala at kumpyansa ng publiko na magpabakuna.