Nakatitiyak si Senate Minority Leader Koko Pimentel na may mga nakahanda na para kumwestyon sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill sa Korte Suprema.
Kumpiyansa si Pimentel na handa na ang magkukwestyon sa panukala partikular sa ‘substance’ nito na iniuugnay ng senador sa ginalaw na dalawang magkasalungat na probisyon hinggil sa prescriptive period o panahon ng pagsasampa ng kaso sa mga mang-aabuso sa Maharlika Fund.
Hindi aniya masasabing ‘subject to style’ ang pagsasaayos sa nilalaman ng MIF Bill dahil hindi naman simpleng section numbering lang ang pinalitan kundi mismong ang nilalaman ng panukala at walang karapatan na ipagawa ito sa Senate Secretariat kundi dapat sa mismong plenaryo at senador ang gagawa ng pagtatama.
Labag aniya sa rules ng Senado at sa konstitusyon ang ginawang pagwawasto sa panukala gamit ang ‘economy of words’ kung saan pinagsama ang dalawang probisyon, ang Sections 50 at 51, pinag-isa ang mga salitang ‘crimes and offenses’ at ang panahon na pwedeng habulin ang lalabag sa MIF ay ginawang sampung taon mula sa dalawang seksyon na 10 taon at 20 taong prescriptive period ang nakalagay.
Sakali namang may maghain ng petisyon sa legalidad at constitutionality ng Maharlika Investment Fund Bill ay hindi naman aniya apektado ang presidente rito kahit ito pa ay malagdaan niya dahil ang kinukwestyon dito ay ang enrolled bill o ang magiging batas at hindi naman ang pangulo.