Nanawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Punong Ehekutibo na maging mahigpit sa paggastos ng pera ng taumbayan.
Kasunod na rin ito ng isyu ng pagkakasingit sa 2024 budget ng P26.7 billion na AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program na hinihinalang nagamit para sa pangangalap ng lagda sa pekeng People’s Initiative.
Iginiit ni Pimentel na kailangang sa pagkakataong ito ay maging strikto sa pag-awtorisa sa paggamit ng pondo ng taumbayan bagama’t ang budgetary reforms naman ay nakasalalay sa pag-uugali ng lider ng bansa.
Aniya, dapat sa proposal pa lang ng Ehekutibo na National Expenditure Program (NEP) ay walang mga pinalobo na item dahil naging mahigpit na sa pagbuo ng pambansang pondo.
Iginiit din ni Pimentel ang pagkakaroon ng full transparency sa budget oras na ito’y dumating na sa Kongreso sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na panahon upang talakayin at mahimay ito nang husto.