Sinita ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagmamadali ng Senado para mabilis na maaprubahan ang isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) bill.
Giit ni Pimentel, maraming mahahalagang panukalang batas ang mas dapat na buhusan ng panahon at pagtuunan ng pansin ng Mataas na Kapulungan kumpara sa MIF bill.
Pinuna ng senador na kahit walang quorum noong nakaraang Miyerkules ay itinuloy pa rin ang deliberasyon sa panukala.
Mula noong nakaraang linggo, kada araw ay dalawang senador ang nag-i-interpellated kay Senator Mark Villar na siyang sponsor ng panukala sa plenaryo.
Diin ni Pimentel, hindi naman “earthshaking” ang pagbuo ng Maharlika fund kaya dapat ay maging regular lamang ang phasing o takbo ng talakayan nito sa Senado.
Dagdag pa nito, kung tatalakayin ang MIF bill ay siguraduhing palaging may quorum sa sesyon at dapat nakikinig ang mga senador.