Manila, Philippines – Pinabibilis na ni DILG OIC Secretary Eduardo Año ang pagpapalabas ng financial assistance para sa pamilya ng mga pulis na nasawi at nasugatan sa misencounter sa Samar.
Ayon kay Año, sa ilalim ng Comprehensive Social Benefits Program, bawat benepisyaryo ng pulis na kabilang sa killed in action o killed in police operation ay makakatanggap ng 500 libong piso.
Habang ang mga pulis na Wounded in Action o Wounded in Police Operation na may total permanent physical disability ay makakatanggap ng tig 150 libong piso.
Samantala para naman sa mga pulis na wounded in action o wounded in police operation na may major at minor injuries ay makakatanggap ng tig P100,000.
Bukod pa dito ang shelter assistance na nagkakahalaga ng 450 libong piso na ibibigay sa bawat pamilya ng pulis na nasawi at nasugatan sa engkwentro.
Meron din silang matatanggap na health care assistance mula sa Philippine Health Insurance Corporation na nagkakahalaga ng P2,400 kada taon at maintenance medicines mula sa Department of Health (DOH).
Tiniyak din ni Año na mabibigyan ng educational assistance ang dalawang anak at iba pang benepisyaryo ng mga namatay at nasugatang pulis.