*CAGAYAN- *Dinipensahan ni Board Member Cris Barcena ng 1st District ng Cagayan ang isyung pag-tour o missing in action ng ilang mga local officials ng Cagayan noong kasagsagan ng Bagyong Ompong.
Aniya, mayroon umanong imbitasyon ang Malacañang sa mga local officials at pinagpili pa umano ni Special Assistant to the President Bong Go ang mga local officials kung ipagpapatuloy pa ang meeting sa Malacañang subalit karamihan na umano sa mga opisyal ay naroon na sa palasyo ng Malacañang.
Ito ay bilang pagtalima na rin umano sa imbitasyon ng pinakamataas na tanggapan ng Republika ng Pilipinas.
Paliwanag pa ni Board Member Barcena, na bago pa umano magtungo sa Malacañang ang ilang mga alkalde kasama ang mga Board members ay mayroon na umanong ginawang preposition ang kani-kanilang mga response team sa bawat lugar at siniguro naman umano ng mga opisyal na bago pa tumama ang bagyong Ompong ay makakabalik din ang mga ito.
Kinuwestyon naman ni BM Barcena ang hindi pag-usisa sa pagkawala rin ng alkalde ng Tuao, Cagayan na si Mayor Kiko Mamba noong kasagsagan ng Bagyong Ompong at dahil dito ay ramdam umano ni Barcena na pinupulitika lamang siya ng kampo ni Mamba.
Kaugnay nito ay hinihintay na lamang ngayon ang magiging resulta sa imbestigasyon ng DILG hinggil sa isyung pagkawala ng ilang mga opisyal noong kasagsagan ng bagyong Ompong.