Inaresto ang isang lalaki sa Bangladesh matapos puwersahang kalbuhin ang asawa nang may makitang buhok sa kanyang almusal.
Dinakip ng pulisya ang suspek na si Bablu Mondal, 35, sa kanilang bahay sa Joypurhat, matapos may magsumbong tungkol sa insidente, base sa ulat ng Agence France-Presse.
Ayon sa hepe ng pulisya, nagalit si Mondal nang may nakitang buhok ng tao sa kanin at gatas na inihanda sa kanya ng kanyang misis.
Sinisi nito ang asawa at saka sapilitang inahit ang ulo ng ginang.
Nahaharap sa kasong “voluntarily causing grievous hurt” na may kaukulang hanggang 14 taon na pagkakakulong.
Umalma naman ang ilang rights group na nagsabing ang insidente ay nagpapakita lamang ng tumataas na bilang ng pang-aabuso sa kababaihan sa Bangladesh.
Ayon sa grupong Ain o Salish Kendra, 630 kababaihan ang biktima ng panghahalay mula Enero hanggang Hunyo–37 sa mga ito ang pinatay habang pito ang nagpakamatay.