Cauayan City,Isabela- Aabot sa mahigit 3,000 miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa rehiyon dos ang nakatanggap na ng bakuna kontra COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay DSWD Region 2 4Ps Information Officer Jeanet Lozano, mas mataas ngayon ang kumpiyansa ng mga miyembro ng 4Ps sa ginagawang pagbabakuna laban sa COVID-19 kumpara noong unang dumating ang mga bakuna.
Aniya, noong nakalipas na buwan ng Marso ay hindi ramdam ang kagustuhan ng mga miyembro sa ikinasang vaccination rollout ng ahensya.
Dagdag pa dito, sa kabila ng puspusan na panghihikayat sa mga miyembro na magpabakuna ay nauna nang tumanggap ng vaccine ang mga health worker na kabilang sa programa hanggang sa nasundan umano ng dagdag na bilang ng mga nais magpabakuna.
Nitong Setyembre, mas lumaki pa ang bilang ng mga gustong magpabakuna batay sa ginawang survey ng DSWD Region 2.
Samantala, nagpaalala naman ang ahensya sa mga miyembro ng programa na gamitin ng maayos ang natatanggap na tulong kasunod ng mga ulat na may mga miyembro na ginagamit sa pagsusugal at pag-inom ng nakalalasing na inuman.
Sa kabila nito, dadaan pa rin naman sa proseso ang sinumang mahuhuling miyembro na lumabag sa panuntunan gaya ng pagsuspinde sa kanilang grants hanggang sa matanggal na sila sa listahan kung magpapatuloy ang paglabag sa panuntunan at ibigay sa mahigit na nangangailangan na pamilya.