MMDA, pinag-aaralan ang posibleng pagpapadala ng notice of violation via e-mail o text message

Pinag-aaralan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na idaan sa e-mail o text message ang pagpapadala ng notice of violation sa mga lumalabag sa batas-trapiko.

Sa gitna ito ng mga reklamo hinggil sa mabagal na pag-iisyu ng notice of violation sa mga motoristang nahuhuli sa ilalim ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon kay MMDA Secretariat Atty. Cris Saruca, gumagamit na sila ng teknolohiya upang agad na maipaalam sa mga motorista ang kanilang violation nang sa gayon ay hindi naiipon ang mga multang kailangan nilang bayaran.


Sa kasalukuyan, ipinapadala ng MMDA ang notice of violation sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation.

Muli namang nilinaw ni Saruca na may karapatan ang motorista na i-protesta ang multang ipinataw sa kanya, pitong araw matapos na matanggap ang notice of violation.

Una rito, nanindigan ang mga alkalde sa Metro Manila na ipagpatuloy ang pagpapatupad sa ncap sa kabila ng hiling ng ilang transport group na temporary restraining order (TRO) laban dito sa Supreme Court.

Nakatakda namang magpulong ang MMDA, LTO at LTFRB para liwanagin ang mga isyu sa pagpapatupad ng NCAP.

Facebook Comments