Pinaghahanda ni House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman Precious Hipolito-Castelo ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng traffic plan ngayong papalapit na Kapaskuhan.
Ayon kay Hipolito-Castelo, dapat na kumilos at maglatag ng plano ang MMDA dahil asahan na ang mas mabigat na problema sa traffic sa Christmas season.
Hinikayat ng kongresista ang MMDA na tumukoy ng mga bagong ruta at daan na magsisilbing alternatibong ruta sa mga motorista.
Hiniling din nito sa MMDA na i-clear ang mga alternative routes sa vendors, basketball courts at iba pang istruktura na makakasagabal sa trapiko.
Pinag-i-install din nito ang MMDA ng mga traffic signs upang malaman agad ng mga motorista kung saang alternatibong ruta sila dadaan at pinagsasagawa din ng information campaign tungkol dito.
Panghuli ay pinaghahanda ang ahensya ng budget para sa pagsasagawa ng bagong traffic scheme na inaasahang makakaluwag sa biyahe ng mga motorista at mga commuters.