MMDA spokesperson Pialago, kakasuhan ang mga naninira sa kaniya sa social media

Manila, Philippines – Kakasuhan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago ng cyberlibel ang tatlong administrator ng Facebook page.

Ito ay makaraang ipakalat ng mga ito ang maling pahayag na hindi naman sinabi ni Pialago.

Partikular niyang tinutukoy ang kumakalat sa Facebook na pahayag kontra sa mga commuters na “kung wala kayong masakyan, huwag na lang kayong magtrabaho”.


Giit ng tagapagsalita ng MMDA, wala siyang sinasabing ganung pahayag lalo na at alam niya na ikakagalit ito ng publiko.

Sinabi pa ni Pialago na hindi niya palalagpasin  ang ganitong uri ng paninira sa kaniya at tiniyak niya na mananagot ang mga nasa likod nito upang maturuan ng leksyon.

Kahapon ay nagtungo na sa Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Camp Crame si Pialago para i-report ang social media pages kung saan ngayong araw naman siya magsasampa ng kaso.

Facebook Comments