Manila, Philippines – Siniguro ng Metropolitan Manila Development Authority na hindi magiging masalimuot at magkakandabuhol-buhol ang daloy ng trapiko pagsapit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na idaraos sa bansa sa susunod na buwan.
Ayon kay MMDA Deputy Chief of Staff Michael Salalima, lahat ng paraan ay kanilang gagawin upang hindi maapektuhan ang mga motorista.
Sinabi pa nito na magkakasa sila ng panibagong dry run convoy sa mga daan na tatahakin ng ASEAN delegates.
Patuloy din aniya ang koordinasyon ng MMDA sa National Organizing Committee, Security at Peace & Order Committee para walang maging problema pagsapit ng Asean summit
Paliwanag pa ni Salalima na hindi nila lalagyan ng orange barrier ang kahabaan ng EDSA tulad noong nakaraang APEC Summit na naging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko lalo na sa EDSA.
Tiniyak din nito na ang mga daraanan ng ASEAN delegates ay isasara pansamantala at kapag nakadaan na ang kanilang convoy ay muli itong bubuksan sa mga motorista.