
Cauayan City – Nayupi ang kanang pinto ng Cauayan City Mobile Police Patrol matapos na matamaan ng natanggal na gulong ng isang trailer truck sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM Newsteam sa Cauayan City Police Station, habang naghahanda ang mga pulis para sa isang COMELEC Checkpoint sa nabanggit na lugar, hindi inaasahang biglang natanggal ang dalawang gulong sa likurang bahagi ng isang trailer truck na dumaan sa lugar.
Dahil dito, tumama ang natanggal na gulong sa kanang pinto ng mobile patrol dahilan upang lubha itong mayupi.
Sa kabutihang palad, wala naman umanong naitalang nasaktan sa nangyaring insidente.
Samantala, sa kasalukuyan nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang driver ng trailer truck.