Mobilisasyon ng mga tanod para sa barangay quarantine, nagsimula na

Nag-umpisa na ang mobilisasyon ng mga tanod para sa striktong pagpapatupad ng health protocols sa barangay level.

Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lieutenant Gen. Guillermo Eleazar, ang mga tanod ay pamamahalaan ng mga pulis na magsisilbing Quarantine Rules Supervisor (QRS).

Batay sa memorandum na inilabas ni Philippine National Police (PNP) Director for Operations at JTF COVID Shield Vice Commander Police Major Gen. Emmanuel Luis Licup, nakalista ang mga partikular na tungkulin ng mga pulis na QRS.


Ilan dito ay ang pag-supervise sa mga barangay quarantine control points; striktong pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask at social distancing; pag-monitor sa maximum occupancy ng mga establisyemento; pagbabawal sa mass gathering; at iba pang minimum health protocols.

Maliban dito, tutulong din ang mga QRS sa contact tracing, pag-secure ng barangay quarantine facility at pag-enforce ng mga lokal na ordinansa.

Ang mga pulis na QRS ay naatasang magsumite ng regular na report kaugnay ng sitwasyon sa barangay at magbigay ng rekomendasyon kaugnay ng mga ipinatutupad na quarantine protocols para mas epektibong maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Matatandaang iniutos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa mga hindi naka-face mask sa harap ng mga ulat na marami na ang hindi sumusunod sa minimum health standards matapos na ibaba ang quarantine level sa ilang bahagi ng bansa.

Facebook Comments