Naniniwala ang pharmaceutical company na Moderna na ang kanilang COVID-19 vaccine ay kayang magbigay ng proteksyon laban sa mga bagong variants na nadiskubre sa Britain at South Africa.
Ayon sa kumpanya, hindi nabawasan ang antibody response sa UK variant gamit ang kanilang bakuna.
Pero sa South African variant, bumaba ang response pero kapag dalawang dose ang ibinigay sa pasyente ay maaaring magbigay ng sapat na proteksyon mula sa virus.
Sinusubukan nila ang bagong booster shot kung saan target maitaas ang immunity response sa South African variant.
Plano ng Moderna na ilathala ang mga datos nito mula sa mga isinagawang pagsusuri nito laban sa mga COVID-19 variants.
Una nang sinabi ng Pfizer-BioNTech na ang kanilang mga bakuna ay epektibo sa UK variant pero hindi pa nila inilalabas ang resulta para sa South African variant.