Modernong Gamit sa Paghuhugas ng Kamay, Ilulunsad Ngayong Araw

Cauayan City, Isabela- Nakatakdang ilunsad ngayong araw ng JCI Bamboo Cauayan ang kanilang proyekto na ‘Health in hands’ katuwang ang Tactical Operations Group 02, Philippine Air Force.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SP Member Rene Uy Jr., dahil aniya sa pandemya ng Coronavirus Disease na nararanasan ngayon ay gumawa ang JCI ng modernong pamamaraan para sa mas ligtas na paghuhugas ng kamay at makaiwas sa pagkalat ng virus.

Ito ay isang piraso ng drum na nilagyan ng faucet at lababo at tatapakan na lamang ang ibaba ng drum para otomatikong lalabas ang tubig at pwede nang maghugas ng kamay.


Ayon sa konsehal, nasa 15 piraso ng drum ang ilulunsad ngayon sa City hall at ibibigay aniya ito sa ilang matataong lugar sa Lungsod maging sa tanggapan ng RHU.

Nasa 100 pirasong drum ang kabuuang bilang na naibigay ng TOG2 para sa naturang proyekto kung saan ay target din ng lokal na pamahalaan na mabigyan lahat ang mga barangay sa Lungsod.

Facebook Comments