Modernong Jeep, Nagsimula nang Bumiyahe sa Ilang Ruta sa Isabela!

Cauayan City, Isabela- Nagsimula nang bumiyahe ang ilang modernong jeep sa Lalawigan ng Isabela ngayong nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Edwin Asis, chairman ng First Isabela Bus and Van Operators Transport Cooperative, mayroon nang bumabiyahe na mga modernong jeep sa City of Ilagan-Cauayan City route matapos na mabigyan ng special permit ng LTFRB at ng LGU para bumiyahe at magsakay ng mga pasahero sa nabanggit na ruta.

May isa (1) rin na bumabyahe sa Cauayan-Roxas route na kayang magsakay ng 30 pasahero habang nasa 14 units ng modern jeep namang ang bumabiyahe sa Jones-Santiago City route.


Target pa ni Ginoong Asis na makapaglabas pa ang kanilang kooperatiba ng karagdagang 30 units ng modernong jeep na bibiyahe pa sa Cauayan-Roxas route.

Kaugnay nito, kanyang sinabi na hindi pa pinapayagang bumiyahe ngayon ng LTFRB ang mga tradisyunal na jeep matapos na pansamantalang kanselahin ang mga prangkisa at dating ruta ng ilang public utility vehicle dahil sa banta ng COVID-19.

Maliban na lamang aniya kung bibigyan ng special permit ng LTFRB ang mga ruta ng ilang mga pampublikong sasakyan at kung maglalabas ng request ang LGU sa LTFRB na payagang bumiyahe ang ilang PUV.

Gayunman, mayroon nang ginagawang hakbang at plano ang LTFRB para sa balik pamamasada ng mga PUV’s subalit asahan aniya na 50 porsyento lamang ang papayagang isakay sa jeep para matiyak pa rin ang physical distancing.

Paalala naman ni Ginoong Asis sa mga drayber at pasahero na sundin pa rin ang mga protocols para makaiwas sa COVID-19.

Facebook Comments