Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa publiko laban sa isang swindler na ginagamit ang pangalan ni DILG OIC-Secretary Eduardo Año sa pagbebenta ng fire safety products.
Sa kanyang advisory, tinukoy ni Año ang isang Jesselyn Gavierez, na nagpakilalang kinatawan ng Safecon Industries ang diumano ay nag-aalok ng “package deal” sa mga building contractors at developers.
Modus ni Gavierez na ipagmalaki na kaya nitong lakarin ang pagpapalabas ng fire safety inspection certificates at occupancy permits kapalit ng pagbili ng safety products sa kanilang kumpanya tulad ng fire extinguishers.
Nilinaw ni Año na hindi konektado sa DILG si Gavierez o alinman sa mga attached agencies nito katunayan pinaiimbestigahan na rin ang mga aktibidad nito.
Hinimok na rin ng DILG ang lahat ng indibidwal na naging biktima ni Gavierez o sinumang indibidwal na may kahalintulad na modus operandi na i- report sa pulisya o DILG field office sa kanilang munisipalidad o lungsod.
Binigyang diin pa ng DILG na mahigpit na ipinagbabawal sa lahat ng opisyal at empleyado ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagbenta, pag-alok ng mga fire extinguishers at iba pang fire safety equipment sa mga kumukuha ng business entity alinsunod sa ipinatutulad na Ease of Doing Business Act.
May katapat na kaparusahan ito na pagkakulong ng isang taon hanggang 6 na buwan at multa na hindi bababa sa P500,000 at hindi naman hihigit sa P2 milyon.