Kalaboso ang isang lalaking matapos magpanggap na anak sa labas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos para makapanggantso.
Dinampot ng National Bureau of Investigation Anti-Fraud Division sa isang hotel si Romeo Ajedo matapos tanggapin ang P800,000 ng biktimang si alyas “Cherry,” na puhunan sana sa proyektong alok ng suspek.
Ayon sa biktima, nagpakilala si Ajedo bilang anak sa labas ni Marcos at bilang panganay, may access raw siya sa tagong yaman ng mga Marcos at ipapasok niya ito sa mga proyekto para sa mga mahihirap.
Nakumbinsi aniya ni Ajedo ang siyam na biktima na mag-invest sa kaniya ng P2 milyon para mailabas sa bangko ang umano ay pera ng mga Marcos.
Alam din aniya ni Ajedo kung nasaan ang estatwang Golden Buddha at awtorisado rin siyang mag-imprenta ng mga dolyar.
Iginiit naman ng suspek sa NBI na totoo ang kaniyang mga proyekto.
Dahil dito, nahaharap si Ajedo sa kasong estafa at falsification of public documents.