Arestado ang isang senior citizen matapos umano magpanggap na taga-ayos ng mga prangkisa ng AUV sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa awtoridad, aabot sa P5 milyon ang natangay ng suspek na si Domingo Jangayo.
Sa bisa ng anim na arrest warrant sa kasong estafa, na-corner ng mga pulis si Jangayo na papauwi na sa kaniyang bahay.
Modus umano ni Jangayo na magpanggap na may-ari ng lehitimong grupong Parañaque Transport Service Cooperative o BF Patasco at nag-aalok sa mga biktima na mag-aayos ng mga prangkisa sa LTFRB.
Nasa P250,000 hanggang P300,000 ang singil ni Jangayo sa kada kunwaring prangkisa ng isang AUV.
Iniimbestigahan na ng NCRPO ang umano ay binuong “transport group” sa Laguna ng suspek na may katulad na modus.
Batay naman sa certification ng Parañaque Cooperative Development Office, pag-aari ng isang Vicente Duroy ang BF Patasco at hindi ni Jangayo.
Sabi ng NCRPO, may lima pang arrest warrant si Jangayo dahil sa kaso rin ng estafa.