MOLECULAR LABORATORY NG PRC ISABELA, MALAKING TULONG NGAYONG PANDEMYA

Cauayan City, Isabela- Malaki ang naging bahagi at tulong ng Molecular Laboratory ng Philippine Red Cross (PRC) Isabela sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ito ang inihayag ni Ms.Josie Stephanie Cabrera, Chapter Administrator ng *PRC Isabela* sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Kasabay ng unang anibersaryo ng Molecular Lab ng PRC Isabela ngayong araw, ibinahagi ni Cabrera na sa loob ng isang taon na operasyon ng kanilang testing lab ay marami na ang naserbisyuhan mula sa Lambak ng Cagayan maging sa mga karatig pang probinsya.


Ayon kay Ms. Cabrera, mayroon ng kabuuang 103,113 na saliva at swab samples ang nakolekta at nasuri ng kanilang testing Lab mula nang mag-umpisa ang operasyon nito.

Nasa 86,000 swab samples aniya ang kanilang naisailalim sa swab test habang nasa mahigit 15,000 naman sa Saliva testing na galing sa Region 2 at sa Cordillera Region.

Sinabi rin ng Chapter Administrator na malaki ang tulong ng mabilis nilang paglalabas ng resulta dahil sa loob lamang ng 24 oras ay maaari nang makuha o malaman ang resulta ng swab test.

Importante aniya na malaman agad ng isang indibidwal ang resulta ng kanyang swab test para agad din ma-isolate kung sakaling positibo sa COVID-19 at para hindi na lalong maikalat ang virus.

Nagpapasalamat naman si Cabrera sa mga patuloy na sumusuporta at tumatangkilik sa serbisyo ng Isabela molecular laboratory kung saan magpapatuloy pa rin aniya ang kanilang pagbibigay ng mabilis at magandang serbisyo sa publiko.

Facebook Comments