Tiwala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipagpapatuloy ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Jose Faustino Jr. ang momentum ng Department of National Defense (DND) sa internal security at external defense ng bansa.
Ito ay matapos italaga ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si Faustino bilang susunod na senior undersecretary at officer-in-charge ng DND.
Inaasahan na rin ni Lorenzana na makatrabaho si Faustino at ang team nito para paghandaan ang transition period hanggang Hunyo 30.
Samantala, umaasa naman National Union of People’s Lawyers (NUPL) na magsisilbing “konsensya” ng administrasyong Marcos si incoming Solicitor General at kasalukuyang Justice Secretary Menardo Guevarra lalo na sa mga isyu tungkol sa karapatang pantao at maayos na pamamahala.
Ayon kay NUPL President Edre Olalia, dapat mabawi ng bagong solicitor general ang tiwala, propesiyonalismo, at integridad na nakompromiso ng political partisanship.
Matatandaang nagkaroon ng tensyon sa pagitan nina Guevarra at NUPL dahil sa kontrobersyal na isyu ng war on drugs sa ilalim ng administrasyong Duterte.