Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms.Lourmie Romero, PESO Manager ng Cauayan City, katatapos lamang kahapon ang kanilang pamimigay ng Negosyo sa Kariton o Nego-Kart na hatid ng DOLE Region 2 sa 30 Cauayeño na napili para sa Kabuhayan program ng nasabing ahensya.
Nasa tig-30,000 pesos na kabuuang halaga ng Nego-Kart ang natanggap ng bawat benepisyaryo na binubuo ng fishball, kikiam, pork and beef, powdered juice, at mga gamit sa kanilang natanggap na pangkabuhayan.
Pagkatapos ng distribusyon ay nagkaroon din ng simpleng orientasyon ang DOLE at PESO kaugnay sa Marketing Strategy at Bookkeeping para sa karagdagang kaalaman ng mga benepisyaryo.
Ayon kay Romero, pupuntahan nila ang bawat benepisyaryo sa kani- kanilang site para makita kung talagang ginagamit at napapangasiwaan ng mga ito ang kanilang natanggap na Nego-Kart.
Sinabi pa ng PESO Manager na layon ng naturang programa na matulungang magkaroon ng trabaho mga disadvantaged, seasonal worker, unemployed, at displaced workers at maiangat din ang mga ito sa kanilang kanilang pamumuhay.
Inaabisuhan naman sa mga gustong sumali na hintayin muna ang abiso ng DOLE subalit maaari na aniyang mag-apply sa PESO ang nais na mapabilang sa naturang programa.
Kung meron ng slots ang DOLE para sa naturang programa, ibibigay na lamang ng PESO ang listahan ng mga bagong nag-apply para sa muling pamamahagi ng livelihood assistance.