Umaapela si Defense Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr., sa Senado na ikonsidera ang moral at kapakanan ng mga sundalo na maaapektuhan ng isinusulong na reporma sa Military and Uniformed Personnel (MUP) pension system.
Sa pagdinig ng Senado patungkol sa reporma sa MUP pension system, inamin ni Galvez na nagdulot ang isinusulong na panukala ng pagkabahala sa hanay ng mga aktibo at retiradong sundalo.
Babala ng kalihim na kung matuloy ang reporma sa MUP pension, posibleng 70 hanggang 80 percent na enlisted personnel na eligible para sa optional retirement ang mapapaaga ang pagreretiro para maka-avail sa kasalukuyang sistema.
Batay rin aniya sa kanilang mga naunang diskusyon sa ahensya, walang problema sa isinusulong na amyenda sa MUP pension kung ito ay ipapatupad sa mga bagong pasok na lang sa serbisyo.
Sinabi rin ni PNP Directorate for Comptrollership BGen. Ross Alvarado na suportado nila ang panukala pero ito ay dapat mai-a-apply lamang sa mga ‘new entrance’ sa serbisyo.
Hiniling ni Alvarado na pag-aralan muna ng mga mambabatas ang mga ipinaabot na isyu patungkol sa MUP pension reform lalo pa’t ang mga military uniformed personnel ay hindi naman katulad sa mga ordinaryong government employees na obligado sa ‘on-call’ na serbisyo.
Hirit naman ni Galvez, kung talagang ‘financially impossible’ ay handa naman silang sumunod at bukas sila sa mga pagbabago sa sistema basta’t ito ay magiging patas at nakabatay sa kasalukuyang sitwasyon ng pananalapi at scientific actuarial science.