Moratorium sa mga bagong programa sa maritime schools, limang taong iiral – CHED

Ipapatupad nang 5 taon ang moratorium sa pagbubukas ng mga bagong program sa maritime schools sa bansa.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera na gagawin ang moratorium hangga’t hindi nila natatapos ang assessment, evaluation, at inspection sa 83 maritime schools sa buong bansa.

Paliwanag pa ni De Vera na ginawa ang hakbang na ito bilang bahagi ng mga aksyon ng gobyerno para matiyak na makasusunod sa standards ng European commission para sa dekalidad na seafarers.


Sinabi pa ni De Vera, sinimulan na nila ang pagpapatupad ng moratorium noong isang taon at magpapatuloy ito hanggang sa 2026.

Patunay aniya ito na seryoso ang pamahalaan na mapahusay ang maritime programs ng bansa.

Isang paraan din aniya ito para mabigyan sila ng sapat na panahon na tapusin ang evaluation sa napakaraming maritime schools.

Samantala, sinabi ni De Vera na mayroon nang 15 maritime schools ang nauna na nilang ipinasara dahil sa patuloy na pagsuway sa hinihinging requirements para sa kanilang operasyon.

Facebook Comments