₱70 kada kilo na halaga ng smuggled na asukal na ibebenta sa Kadiwa stores, hindi patas – Sen. Risa Hontiveros

Hindi makatwiran para kay Senator Risa Hontiveros na ibenta sa Kadiwa stores sa halagang ₱70 kada kilo ang mga nakumpiskang smuggled na asukal.

Aminado si Hontiveros na kapag smuggled ang produkto ay karaniwang kinukumpiska ito ng Bureau of Customs (BOC) at ibinabalik sa sender o kaya naman ay sisirain.

Pero dahil aniya sa kulang na kulang ang suplay ng asukal sa bansa ay nakapanghihinayang na sirain na lamang ito.


Magkagayunman, hindi sang-ayon si Hontiveros na ibenta ng ₱70 kada kilo ang mga smuggled na asukal.

Kung pagbabatayan aniya ang kinwenta nila na iaangkat na 440,000 metriko toneladang imported na asukal, kayang kaya maibaba sa ₱50 hanggang ₱60 ang presyo ng kada kilo ng asukal sa merkado.

Dagdag pa rito ng senadora, lumalabas pa sa kanilang pagsasaliksik at pagkwenta na karamihan ng mga asukal na inangkat ng bansa sa Thailand ay nasa ₱28 per kilo lang ang presyo at napakalayo ng ₱70 kada kilo na presyo ng smuggled na asukal na ibebenta sa mga Kadiwa stores.

Facebook Comments