Umapela si Deputy Speaker Bernadette Herrera sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at sa buong banking community na magpatupad muna ng moratorium sa paniningil ng online bank transfer fees.
Kailangan aniyang ipaalala sa BSP at sa mga bangko na hindi pa natatapos ang pandemya at mahalagang matulungan ngayon ang mga kababayan lalo na ang mga kliyenteng apektado ng biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 bunsod ng Omicron variant.
Partikular na hinihimok ni Herrera ang pag-waive sa singil sa online bank transfer at iba pang charges.
Malaking tulong aniya ito lalo na sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sector na lubos ding tinamaan ng epekto ng health crisis at implementasyon ng mga community restrictions.
Sa pamamagitan din ng pagsuspindi sa online banking fees ay mas marami ring mga tao ang mahihikayat na gawin ang mga transaksyon sa online kahit nasa mga tahanan at sa panahon na mas dapat gawin ang social distancing.
Sinabi pa ng kongresista na maliit na bagay lamang ito para makatulong lalo na sa gitna na gipit din ang ekonomiya.