Cauayan City, Isabela- Inaalam na ng pulisya ang tunay na motibo ng mga salarin sa pagpatay sa isang Barangay Kagawad mula sa Mallig, Isabela na pinagbabaril, dinukot at itinapon sa ilog.
Narekober lamang kahapon, Mayo 31, 2021 ng umaga ang bangkay ng biktimang si Kagawad Louie Berbon Duque, 49 taong gulang, residente ng brgy Trinidad, Mallig, Isabela na nakitang palutang-lutang sa ilog na sakop ng brgy. Sta Isabel Norte sa Lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLtCol Virgilio Vi-con Abellera Jr., hepe ng Ilagan City Police Station, habang pauwi ang biktima noong araw ng biyernes, Mayo 28, 2021 ay bigla itong pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan at agad na isinakay sa isang van.
Ayon sa hepe, matagal nang nababad sa tubig ang biktima nang ito ay makita ng ilang mga residente sa lugar.
Hindi pa aniya mabatid kung mayroon inilagay na ‘pabigat’ sa katawan ng biktima dahil nasa gitna lamang aniya ito ng ilog nang makita ng mga residente at ipinagilid lamang sa ilog bago dumating ang mga tumugon na pulis.
Batay naman aniya sa autopsy ng SOCO, nakitaan ng apat (4) na tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima.
Naniniwala ang Hepe na itinapon lamang ang katawan ng biktima sa ilog sa brgy Sta Isabel Norte matapos ang pagsasagawa ng krimen sa bayan ng Mallig.
Kinukuha na rin ng pulisya ang mga kuha ng CCTV footages sa brgy Sta Isabel Norte at Sur upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at makikipagtulungan sa PNP Mallig para sa agarang ikalulutas ng krimen.