Motorista sa San Pablo Isabela, Bagsak sa Kulungan Matapos Mahulihan ng Iligal na Baril!

35

San Pablo, Isabela – Bagsak sa kulungan ang isang motorista matapos mahulihan ng iligal na baril kahapon sa Brgy. Poblacion, San Pablo, Isabela.

Ayon kay Police Senior Inspector Jojo Turingan, hepe ng San Pablo Police Station na nahuli ang suspek habang nagsagawa ng checkpoint ang pamunuan nito bilang tugon umano sa kahilingan ng kasundaluhan dahil sa naganap na sagupaan sa pagitan ng militar at NPA kahapon ng madaling araw.

Aniya sa kasagsagan ng checkpoint ay naaktuhan ang suspek na kinilalang si Jaypee Delgado, dalawampu’t pitong taong gulang, binata at residente ng Binguang, San Pablo, Isabela kung saan ay walang naipakitang papel ng kaniyang motorsiklo at lisensya sa pagmamaneho.

Sa inspeksyon ng kapulisan ay tumambad sa tool box ng motor ni Delgado ang isang revolver 38 Smith at Wesson 357 magnum na walang bala at lisensya na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.

Sa ngayon ay nasa pag-iingat na ng PNP San Pablo si Delgado at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Facebook Comments