Muling nananawagan ang Manila Police District (MPD) sa mga nagkikilos protesta na sumunod sana sa mga napag-usapan at mga patakaran na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ang pahayag ng MPD ay kasunod ng nangyaring insidente ng pagsaboy ng pintura ng mga raliyista sa harap ng tanggapan ng US Embassy dahil sa pagtutol nila sa ikakasang balikatan joint military exercises sa pagitan ng US at ng Pilipinas ngayong araw.
Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, nakikiusap sila sa mga grupo na magkikilos protesta na huwag naman sanang sirain at babuyin ang mga tanggapan sa lungsod.
Batid ng opisyal ang mga nais iparating at ipanawagan ng sinumang grupo pero may mga ordinansa at batas na umiiral.
Aniya, malaking pagkakamali kung basta na lamang kikilos ang mga raliyista ng mali kahit pa sabihin nila na bugso ito ng damdamin.
Sinabi pa ni Dizon na nagdagdag na siya ng mga tauhan ng poposte sa paligid ng US Embassy upang magbantay at hindi na maulit pa ang insidente.
Dagdag pa ni Dizon, ang mga naarestong indibidwal na nag-rally kaninang umaga ay pino-proseso na ang kasong isasampa laban sa kanila at hiling niya na huwag na sanang umabot pa sa ganitong uri ng sitwasyon ang mga nagbabalak na magkilos protesta sa Maynila.