Naghahanda na ang Manila Police District (MPD) sa nalalapit na Kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay MPD Director Police Brig. General Leo Francisco, tulad ng Pista ng Itim na Nazareno, magdadagdag rin sila ng mga tauhan na manggagaling sa National Capital Region Police Office (NCRPO) para masiguro ang seguridad.
Tiniyak ni Gen. Francisco na mahigpit nilang ipapatupad ang minimum health protocols kontra COVID-19 sa mga deboto ng Sto. Niño.
Bukod dito, sisiguruhin nilang masusunod ang kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno na ipinagbabawal ang mga party sa kalsada, palabas sa entablado, parada, mga palaro at iba pang katulad na aktibidad sa pagdiriwang ngayong taon ng Pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan.
Maglalaan din ang MPD ng bus katuwang ang Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) kung saan dito pansamantalang ikukulong ang mga pasaway na deboto.
Nanawagan pa ang MPD sa ibang mga deboto sa kalapit na lungsod na huwag ng dumayo o magtungo sa Maynila para makipiyesta ng Sto. Niño.
Samantala, binawasan naman na ang gagawing misa para sa Pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan upang maiwasan na kumalat pa ang COVID-19.
Nabatid na mula sa 33 misa sa Sto. Niño de Tondo Parish, magiging 11 na lamang ito habang 8 misa na lang ang gagawin sa Sto. Niño de Pandacan Parish.