
Inakyat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tinaguriang “Mt. Kamuning” sa kahabaan ng EDSA sa Quezon City, siyam na buwan matapos niyang ipag-utos ang pagpapalit sa matarik na footbridge sa lugar.
Kasabay ito ng ginawang inspeksyon ng pangulo sa bagong Kamuning Footbridge at Busway Station na itinayo upang gawing mas ligtas at mas madaling gamitin ng mga commuter.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi praktikal at hindi rin ligtas gamitin ang dating tulay dahil gumagalaw umano ito kapag may dumadaan na mga tao,
Dahil dito, pinatatanggal na ng pangulo ang matarik na tawiran at ang bagong footbridge na lamang ang gagamitin ng mga pasahero sa lugar.
Sinabi ng pangulo na mas maayos na ngayon ang bagong footbridge dahil mas mababa na ang aakyatin na hagdan at mayroon nang elevator para sa mga hindi kayang umakyat.
Mayroon din umanong wheelchair lift at nakahandang wheelchair upang mas maging magaan ang biyahe ng mga commuter.
Titiyakin din aniya ng pamahalaan ang maayos na maintenance ng mga bagong pasilidad, kabilang ang heavy-duty elevator na inaasahang gagamitin ng maraming commuter.










