Manila, Philippines – Binigyan ng 15 araw ang Grab Philippines na umapela sa desisyon Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bayaran ang multang 10 milyong piso dahil sa sobra-sobrang paniningil sa mga pasahero nito.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, kung maghahain ng apela ang Grab ay maaring i-reconsider ng ahensya ang desisyon nito.
Dagdag pa ni Delgra, dapat maghain ang Grab ng Motion for Reconsideration (MR) 15 araw sa sandaling matanggap ang kautusan.
Nabatid na inisyu ng LTFRB ang kautusan sa Grab nitong July 9 at inatasan ang Transport Network Company (TNC) na mag-reimburse o ibalik sa mga pasahero ang mga sobra nitong siningil.
Partikular ang mga pasaherong naapektuhan ng 2 pesos per minute travel charge mula June 5, 2017 hanggang April 10, 2018.
Nanindigan na ang Grab sa legalidad ng dalawang pisong singil.