Manila, Philippines – Para kay Senator Francis ”Kiko” Pangilinan, tama ang mungkahi ng China sa ating pamahalaan na kanselahin na ang lisensya ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Giit ni Pangilinan, iligal ang POGO sa China kaya ibig sabihin ay mga Chinese criminal ang nagpapatakbo nito sa Pilipinas.
Binanggit pa ni Pangilinan ang mga naitalang pag-taas ng mga krimen na kinasasangkutan umano ng mga POGO players at financiers na lumalabag sa ating batas.
Bukod pa aniya ito sa hindi pagbabayad ng tamang buwis ng POGO at nang kanilang mga manggagawang Tsino.
Ipinunto rin ni Pangilinan ang pangamba ng ating mga defense officials sa posibleng pagiging banta ng mga POGO sa ating seguridad dahil ang lokasyon ng mga ito malapit sa mga kampo ng militar.
Dismayado si Pangilinan na kinukonsinti pa ng ating pamahalaan ang malayang operasyon ng mga POGO kahit nilalabag ang ating mga batas at patakaran.