Hindi pumasa kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mungkahi na magkaroon ng joint infomercial si Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo para mapataas ang kumpyansa ng publiko sa COVID-19 vaccine.
Para kay SP Sotto, pangit na gamitin ang pulitiko para isulong ang pagbabakuna laban sa COVID-19 dahil imbes na mahikayat ay baka mainis pa ang mamamayan.
Diin ni SP Sotto, sayang lang ang pera dahil magmumukha lang itong promo ng politiko at hindi lahat ay maniniwala sa mensahe ng infomercial.
Giit ni SP Sotto, mas magiging epektibo ang infomercial na nagsusulong ng COVID-19 vaccine kung ang gagamitin ay mga karaniwang tao o mga kilalang tao na nirerespeto at hindi konektado sa pulitika.
Inihalimbawa ni SP Sotto ang mga sikat na volleyball player, basketball player, softball player, at iba pang mga atleta.
Ayon kay SP Sotto, 40 taon na niyang pinupulsuhan ang masa kaya alam niyang hindi tatalab sa mga ito ang infomercial kapag ginamitan ng pulitiko.