Municipal Civil Engineer, Dinakip dahil sa Illegal Logging

Cauayan City, Isabela- Arestado ang Municipal Civil Engineer ng LGU Pamplona matapos makumpiskahan ng iligal na pinutol na kahoy sa gilid ng ilog partikular sa Brgy. Abbangkeruan, Pamplona, Cagayan ngayong araw, Enero 13,2021.

Kinilala ang suspek na si Felicimo Bilas, 52-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Allasitan, Pamplona, Cagayan.

Katuwang ng PNP Pamplona ang 2nd Provincial Mobile Force Company ng magsagawa ng anti-criminality operation at kanilang nadiskubre sa gilid ng ilog ang higit kumulang isanlibong (1,000) board feet fresh cut lumber ng common hard wood o Tanguile.


Dahil dito, agad na inaresto si Bilas makaraang bigong makapagpresenta ng dokumento na nagsasaad na legal ang kanyang pagmamay-ari sa mga nadiskubreng kahoy.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Anti-Illegal Logging ang suspek na nasa kustodiya ng pulisya.

Facebook Comments