
CAUAYAN CITY- Nagbigay ng babala ang Municipal Treasury ng Cordon, Isabela sa mga negosyante hinggil sa isang scam na kinasasangkutan ng mga indibidwal na nagpapanggap bilang empleyado ng Business Permits and Licensing Office (BPLO).
Ginagamit ng mga scammer ang text messages upang manghingi ng karagdagang bayad para sa business permits.
Mariing pinaalalahanan ng BPLO ang publiko na huwag magbigay ng anumang impormasyon o bayad sa mga kahina-hinalang mensahe.
Para sa anumang katanungan o opisyal na transaksyon, pinapayuhan ang mga negosyante na direktang magtungo sa opisina ng BPLO.
Samantala, iniimbestigahan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang naturang scam upang matukoy at mahuli ang nasa likod ng panloloko.