
Cauayan City – Iginiit ng PNP Cagayan na walang katotohanan ang kumakalat na balita tungkol sa isang Van na nangunguha diumano ng bata at estudyante sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Provincial Director Police Colonel Mardito Angoluan, base sa isinagawa nilang validation, ang bali-balitang van na nangunguha ng bata partikular sa Sanchez Mira, Abulug, at Ballesteros ay hindi totoo.
Aniya, wala rin silang natatanggap na anumang official report mula sa mga police stations sa nabanggit na bayan kaugnay sa insidente, subalit patuloy pa rin ang ginagawa nilang masusing imbestigasyon at operasyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Samantala, ipinaalala ng kapulisan na ang Fake News na kumakalat ay nagiging sanhi ng takot sa komunidad kaya naman nararapat na maging responsable sa paggamit ng Social Media, at huwag magpakalat ng hindi lehitimong balita.
Matatandaang maging sa lalawigan ng Isabela ay kalat rin ang parehong balita tungkol sa diumano nangunguha ng bata ngunit pinabulaanan rin ito ng kapulisan.
Hinihikayat naman ng kapulisan ang publiko na maging maingat at mapagmatyag sa kanilang paligid, at makipag-ugnayan kaagad sa mga awtoridad sakali man na may mapansing kahina-hinalang kilos o aktibidad.