Iginiit ni Senador Win Gatchalian sa Department of Finance o DOF na maghanap ng pondo para maisakatuparan ang Murang Kuryente Act sa susunod na taon at huwag itong iasa sa pangungutang.
Napag-alaman ni Gatchalian na sa 2021 ay ₱8 bilyon lamang ang inilaan para dito ng DOF mula sa ₱46 bilyon na hiniling na pondo ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation.
Ayon kay Gatchalian, dahil dito ay mapipilitang mangutang para punan ang kakulangang ₱38.4 bilyon at kaakibat nito ang karagdagang gastusin na ₱5.45 bilyon para sa interes at iba’t ibang buwis na aakuin ng taxpayers.
Diin ni Gatchalian, layunin ng Murang Kuryente Act na mabawasan ang mataas na binabayarang kuryente ng mga consumer pero mawawalan din ito ng saysay kung mangungutang din ang gobyerno para may maipondo dito at papasa rin ito sa taxpayers.
Binanggit pa ni Gatchalian na kahit epektibo na ang batas, hanggang sa ngayon ay nagbabayad pa rin ang consumers ng ₱0.048 kada kilowatt para sa utang ng National Power Corporation na hindi pa napupunan ng mga naibentang pag-aari nito.